Dating kasambahay nalasap ang pangarap

Kasabay ng paglagablab ng kasiyahan sa dibdib ay ang pag-apaw ng matatamis na likidong umaagos sa kanyang mga mata. Inaalala ang mga mapapait at masasakit na nakaraan at dinadamdam ang galak na sa wakas ang hantungan ng masalimuot na daan ay ang pagkamit ng diplomang matagal nang inaasam.

Si Avelita Francisco ay nagtapos sa kursong BS Entrepreneurship sa Open Learning Center ng Unibersidad ng Antique. | Larawan kuha ng UA ID Center

“Kung may makakagraduate sa inyo, tutuwad talaga ako sa basketball court.”

Mga katagang hanggang sa kasalukuyan ay nananariwa sa pandinig ng isang huwarang babae. Isang babae na puno ng pangarap. Minsan nang nagkandarapa sa hirap ng buhay at ilang beses ng kinutya at minaliit, subalit ang kanyang paniniwala sa Poong Maykapal at sa sarili, ang kanyang naging kaagapay sa pagharap ng mga masisidhing kasukdulan ng buhay. Kaya naman, sa kabila ng malinggal na ingay na dinulot ng pandemiya, ngiti ang kasalukuyang namumutawi sa mga mata’t labi ni Avelita Francisco, na kahit naging katulong man, ay isa na sa mga taong handa na ring tumulong.

Si Avelita “Chab-Chab” Francisco ay dalawampo’t tatlong taong gulang na kumuha ng kursong Bachelor of Science in Entrepreneurship (Open Learning). Ang Open Learning (OL) ay isa sa mga binuksang daan ng Unibersidad ng Antique (UA) upang mabigyang pagkakataon ang mga nagtatrabaho na makapag-aral. Isa si Avelita sa mga nagsikap at pumasok sa mundo kung saan kailangang pagsabayin ang dalawa: trabaho at pag-aaral.

Musmos pa lamang siya at kanyang tatlong kapatid nang biglang nilisan ng kanilang ina, na hanggang ngayon ay hindi niya wari ang dahilan. Ang hiwalayan ng kanilang magulang ang nagpatikim sa kanya kung gaano kapait, ang maidudulot ng buhay na walang pag-aaruga at pagmamahal ng ilaw ng tahanan. Sadyang hinamon ng kapalaran si Avelita nang sumunod na namayapa ang kanyang ama, at sila’y napag-iwanan sa pangangalaga ng kanilang lola. Para patuloy na makapag-aral ay nagtrabaho sa iba’t-ibang tao ang kanyang ate, kinuha sila ng kaniyang tiyahin, subalit dumating rin ang punto na hindi na nakayanan ang gastusin.

“Naalala ko pa Grade 5 ako noon, nagpoposo ako sa kapitbahay para bigyan ako ng 20 pesos na pangbaon ko. Nung Grade 5 ako namasukan bilang scholar sa iba’t-ibang pamilya, nag-alaga ng baby, naglilinis ng bahay hanggang makatapos ako ng elementary,” kuwento niya.

Hayskul siya nang kinuha ng kanyang guro bilang iskolar. Sa kabila ng mga hapdi at kirot ay kanya ring naramdaman ang tinatawag na totoong pagmamahal sa isang pamilya. Kahit naglalaba at nag-aalaga ng bata, siya’y naging masaya. Natapos ang hayskul at parang biyaya rin nang malaman ng kaniyang tinitirhan ang Open Learning at siya’y pinatuloy sa pag-aaral.

“Para sa dagdag na kikitain ko nagbebenta kami ng mga kaklase ko ng lumpia at nag-oonline selling para may pangbayad sa module. Kaya heto, magtatapos na ako. Laking pasasalamat sa Maykapal, sa Catbagan Family, sa Quanico at Calcaña,” saad pa niya.

Marami ang naging balakid sa kanyang paglalakbay tungo sa rurok ng tagumpay. Ang kanyang pagiging matiyaga at matiisin sa lahat ng bagay na kahit mahirap ay pinapasok, ang humila sa kanya patungo sa pag-abot ng kanyang pangarap. Ika nga, babangon para sa pangarap, kakayod para sa pangarap. Ang tatay, lola, mga kapatid, pati na mga kaibigan na nagtiwala sa kanya ang naging inspirasyon niya, na sa ngayo’y nadagdagan ng kanyang partner na si G. Rene Boy Calcaña at anak nila na si Avreona Zea Calcaña.

“Napagod din ako physically, emotionally at mentally pero hindi ako bumitaw, kaya sa mga estudyanteng katulad ko noon na nakikipaglaban at patuloy na lumalaban sa hirap ng buhay, una magtiwala sa Panginoon at isunod mo ang pagtiwala sa sarili mo. Huwag kang mawalan ng pag-asa dahil sa huli, lahat ng minimithi mong pangarap ay makakamit mo rin. Positive thoughts lang! Kapit lang!” turan niya ng siya’y tinanong kung ano ang mapapayo sa mga taong kumakayod pa lamang.

Tunay ngang walang mahirap sa taong masikap. Walang mahirap sa taong nabubuhay para sa pangarap. Mangarap lang nang mangarap, sabayan na ng pagsisikap para tagumpay ay tiyak na malalasap.

Sinulat ni Marianne Palcat

Author: theprismdaily

The Official Student Publication of University of Antique Main Campus

One thought on “Dating kasambahay nalasap ang pangarap”

  1. Masaya ako para sa aking kaibigan. Dahil sa kabila nang pinagdaanan niya noon, ngayon ay nasuklian na ng Diyos ang kanyang mga hiling. ☺️

    Nalipay gid ko para kanimo chab ! You claim it. Aja💪

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

Create your website with WordPress.com
Get started
%d bloggers like this: